Larawan ng kababaihan sa mga nobela ni Lualhati Bautista : isang pagsusuri
| dc.contributor.author | Picpican, Caridad M., | |
| dc.date.accessioned | 2026-02-12T04:58:18Z | |
| dc.date.issued | 1991-05 | |
| dc.description.abstract | Pinag-ukulan ng pagsusuri sa pag-aaral na ito ang mga nobela ni Lualhati Bautista na nagkamit ng gantimpalang Palanca upang mailantad ang mga pangyayaring nagluwal ng larawan ng kababaihan batay sa pananaw ng isang kontemporaryong nobelistang babae. Natuklasan sap ag-aaral na ang tatlong nobela ay larawan ng kani-kanilang panahon sapagkat ang bawat isa ay naglalantad ng mga pangyayari sa panahong ang mga ito ay nasualt. Ang mga pangyayaring nauugnay sa lipunan, sa pulitika at sa ekonomiya ay binigyang-buhay ng may-akda sa pamamagitan ng mga babaeng tauhan na nagpamalas ng kani-kanilang sariling larawan. Sa paglalahad at paglalarawan ng nobelista ng mga pangyayari, itinampok niya ang diwa ng pagbabago. Ang pagbabagong naganap sa kababaihan ay bunga ng mga suliranin sa limpunang kanilang ginagalawan. Ang mga suliraning ito ang nagmulat sa mga tauhan sa mga tunay na nagaganap sa kanilang kapaligiran at gumising sa kanilang kamalayan panilipunan. Sa kanilang pagkamulat, bawat isa ay kumilos upang makapag-ambag para sa pagbabago ng lipunang kanilang ginagalawan. Dahil dito, sila ay nagpakita ng kanilang sariling kaakuhan at halaga hindi lamang bilang isang mamamayan kundi bilang miyembro ng itinuturing na mahinang kasarian- ang kababaihan. Sa ganitong paraan, pinatunayan ng bawat nobela ang kahalagahan ng kababaihan sa pagbuo ng isang maunlad na lipunan na siyang isinasaad ng Artikulo II, Seksyon 14 ng Saligang Batas ng Pilipinas. Nabigyan ng mag-akda ng element ng realism ang kanyang mga nobela sa pamamagitan ng paggamit niya ng mga tunay na pangyayari sa bansa at sa pagbibigay niya sa kanyang mga piksyunal na tauhan ng kanyang sariling mga katangian o katangian ng mga ibang tao subalit sa pag-unlad ng bawat nobela, ang ang mga tauhan ay nagkaroon na ng sariling kaakuhan. Gayundin, ginamit niya ang lingua franca na nakatulong din nang Malaki upang maging makatotohanan ang pagbibigay-buhay sa kanyang mga tauhan. Sa isinagawang pag-aaral, binasa ng mananaliksik ang tatlong nobela ni Lualhati Bautista na nagkamit ng gantimpalang Palanca sa mga taong 1979-80 (‘Gapo), 1980-81. (Dekada ’70) at 1983-84 (Bata, Bata… Paano ka Ginawa?). Sa pagbabasa ng mananaliksik, binigyang pansin ang diwa ng bawat nobela, ang paglalarawan at pagbibigay-buhay ng nobelistan sa mga tauhan at ang mga pangyayaring inilahad hindi lamang sa bawal nobela kundi gayundin ang pagkakaugnay-ugnay ng mga pangyayari sa tatlong nobela. Ang ilang aklat at mga isinagawang pag-aaral na nagtataglay ng katulad na diwang matatagpuan sa mga nobela ni Lualhati Bautista ay siniyasat din ng mananaliksik para lalong maging makahulugan ang pag-aaral. Nakatulong din nang Malaki ang isinagawang pakikipanayam sa may-akda para lalong maunawaan ang kabuuan ng mga nobela at ang mahalagang kaisipan ng may-akda. Bukod sa mga nabanggit, hindi naiwasang gamitin ng mananaliksik ang ilang pagdulog sa pagsusuri sapagkat ang mga ito ay kailangan upang buong-husay na maisagawa ang pag-aaral. Dito, ginamit ng mananaliksik ang pagdulog pangkasaysayan at pamaraang sosyo-kultural sapagkat sa pamamagitan ng mga ito, ang mga makasaysayang panyayari sa bawat nobela nauugnay sa lipunan, pulitika at ekonomiya ay binigyang-kahulugan sa paniniwalang ang bawat nobela ay larawan ng kanyang panahon. Ayon sa kinalabasan ng pag-aaral, ang mga panyayaring pampulitika, panlipunan at pang-ekonomiya na inilahad sa tatlong nobela ay nakaapekto nang malaki sa mga tauhan. Ang mga pangyayari ay siyang gumising sa kamalayan ng bawat isa at nagtulak sa kanilang kumilos para sa malawakang pagbabago. Sa ganitong paraan, sila ay nagpamalas ng natatanging larawan na nagpapatunay na sila ay may napakahalagang papel na dapat gampanan para sa pagbabago at pagpapabuti ng lipunang kanilang ginagalawan. Lumalabas din sa pagsusuri na dahil sa paglalantad ng mga nobela ni Lualhati Bautista ng mga makatotohanang pangyayari na nauugnay sa mga suliraning panlipunan, maaaring mauri ang mga ito bilang panitikang nagpoprotesta. Ngunit dahil ang kanyang mga nobela ay hindi lamang naglalantad ng mga suliraning panlipunan kundi nagbibigay din ng mga solusyong makalulutas sa mga suliranin, mauuri ring panitikang rebolusyunaryo ang mga ito. Ang mga ito ang nagbigay sa mga nobela ng matinding realismo. Batay sa kinalabasan ng pag-aaral, iminumungkahi ng mananaliksik na dapat pagtuunan ng pansin at pag-aralan ang mga nobelang tumatalakas sa mga napapanahong paksa tulad ng mga suliraning panlipunan at ang pagsibol ng natatanging larawan ng kababaihan upang magising ang kamalayang panlipunan ng mga mambabasa at upang mamulat din ang kababaihan sa katotohanang sila ay namumuhay sa papel na dapat gampanan. Maaari ring magamit na material ang mga nobela ni Lualhati Bautista sa mataas na paaralan lalung0lalo na sa ikaapat na taon at sa mga asignatura sa kolehiyo upang mapahalagahan din ng mga mag-aaral ang mahalagang diwang inilahat ng mga ito. Gayundin, ang pagsusuri sa mga nobela sa ibang aspekto ay iminumungkahi upang ang katangiang pampanitikan ng mga nobela ay mailabas bilang pagpapahalaga sa mga akdang ito na nagkamit ng gantimpalang Palanca. | |
| dc.identifier.citation | Picpican, C.M.(1991).Larawan ng kababaihan sa mga nobela ni Lualhati Bautista : isang pagsusuri.(Unpbulished master's thesis).University of the Cordilleras, Baguio City. | |
| dc.identifier.uri | https://dspace.uc-bcf.edu.ph/handle/123456789/500 | |
| dc.language.iso | en_US | |
| dc.title | Larawan ng kababaihan sa mga nobela ni Lualhati Bautista : isang pagsusuri | |
| dc.type | Thesis |